Hindi na magpapatupad ng muzzle taping ang Philippine National Police ngayong Holiday season.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Office (PNP PIO) Chief PCol. Jean Fajardo, nagbaba na ng direkta ang kanilang Directorate for Operations at base sa guidelines ay hindi na seselyuhan pa ang baril ng mga pulis.
Paliwanag ni Fajardo, kasama sa kinonsidera sa hindi pagbubusal ng mga baril ay ang posibilidad na makaapekto ito sa mabilis na pagresponde ng mga pulis sa mga krimen.
Ani Fajardo, nakita naman nilang mayroon nang mga pagbabago sa behavior ng mga pulis at epektibo ang pagpapatupad ng hindi pagseselyo ng baril.
Samantala, nagbabala naman si Fajardo sa mga pulis na masasangkot sa indiscriminate firing.
Maliban kasi sa kasong kriminal ay mahaharap din ang mga ito sa administratibong kaso.
Base sa datos ng PNP, noong 2021 ay mayroong 25 insidente ng illegal discharged of firearms at 1 dito ang nasaktan.
Tumaas ang bilang na ito noong 2022 kung saan 26 ang kaso ng illegal discharged of firearms at 10 ang nasaktan.