Barilan ng mga pulis sa loob ng Taguig City Police Station, dalawa na ang patay

Dalawa na ang kumpirmadong patay sa pamamaril ng isang pulis sa kabaro nito sa loob mismo ng Taguig City Police Station.

Sa nasabing insidente, dead-on-the-spot si Police Executive Master Sergeant (PEMS) Heriberto Saguiped, miyembro ng PNP-Special Action Force ’97, at nakatalaga sa nasabing police headquarters matapos magtamo ng mga tama ng bala sa ulo.

Binawian naman ng buhay ang pulis na umawat sa pamamaril na si Police Corporal Alison Sindac na nakatalaga rin sa Taguig CPS.


Base sa inisyal na imbestigasyon, 11:30 kaninang umaga nang dumating ang suspek na si Police Chief Master Sergeant (PCMS) Alraquib Aguel at agad na kinompronta nito si Saguiped sa hindi pa matukoy na dahilan.

Nauwi ito sa mainitang pagtatalo ng dalawang pulis kung saan binaril ni Aguel si Saguiped.

Nadamay rin sa pamamaril si Sindac matapos itong umawat sa away ng dalawa.

Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa shooting incident.

Facebook Comments