Barko ng China na bumangga sa resupply boat ng bansa, maaaring sampahan ng kaso at papanagutin

Maaari umanong sampahan ng kaso ang barko ng China, na bumangga sa ating mga resupply boat na papunta sanang Ayungin Shoal para maghatid ng suplay sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre.

Ayon kay Senator Francis Tolentino, maaaring maghain ng kaso ang mga sakay ng Unaiza May 2 (UM2), ang contracted resupply boat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na binangga ng barko ng China habang nagsasagawa ng resupply mission.

Iginiit ni Tolentino, na hindi sakop ng sovereign immunity ang barko ng China na bumangga sa resupply boat ng AFP dahil mismong China ay kini-claim na ito ay isang barko ng militia o isang commercial fishing vessel taliwas sa unang ulat na ito ay China Coast Guard vessel.


Kung ganito aniya na pribado ang barkong bumangga sa ating resupply boat ay maaaring papanagutin ang militia o commercial fishing vessel sa tinamong sira ng resupply boat dagdag pa ang pagpapabayad sa civil damages mula sa stress at psychological trauma na naranasan ng mga crew na sakay ng UM2.

Pinuri naman ni Tolentino, ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagiging matatag sa kabila ng mga agresibong aksyon ng China dahil kung titingnan ay talagang sinadya ng China na banggain ang ating barko at hindi naman pupwedeng aksidente lang na matatawag na may dalawang minor collision na nangyari sa isang araw.

Facebook Comments