Kinumpirma ng Department of National Defense (DND) ang ginagawang pagmamanman ng Chinese navy vessel sa isinasagawang joint military exercises ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, isang Chinese electronic at reconnaissance ship na PLAN 792 ang umaaligid sa Sulu Sea.
Nabatid na iligal na pumasok ang barko sa katubigan ng bansa noong January 29 hanggang February 1, 2022 at nakarating pa sa Cuyo Group of Islands sa Palawan at Apo Island sa Mindoro.
Ito ay ang panahong nagsasagawa ng war games ang Philippine Marine Corps at United States Marine Corps sa Palawan.
Giit ni Lorenzana, hindi pwedeng magmanman ang China sa loob ng ating territorial waters na dahilan ng pagsasampa ng bansa ng diplomatic protest laban sa Beijing.
Kamakailan lang nang ipatawag ng Department of Foreign Affairs si Chinese Ambassador Huang Xilian dahil sa pagpasok ng barko ng Tsina sa Sulu Sea at hiniling na respetuhin ng China ang territory at maritime jurisdiction ng Pilipinas.