Sinubukang harangin ng China Coast Guard ang barko ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources noong Biyernes na noo’y nagsasagawa ng maritime patrol mission sa Bajo de Masinloc.
Labinlimang radio challenges ang ginawa ng apat na CCG vessels upang itaboy ang BRP Datu Bankaw.
Giit ng CCG, labag sa international law at sa batas ng People’s Republic of China ang presensya ng barko ng BFAR at ng mga mangingisdang Pinoy sa lugar.
Hindi naman nagpatinag ang BFAR at iginiit na ang mga barko pa nga ng Tsina ang nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Nakalusot ang barko ng BFAR at nakalapit sa Bajo de Masinloc.
Tatlong araw itong nanatili sa lugar at namigay ng 60,000 litro ng diesel sa 54 na mother boats o malalaking bangkang pangisda ng mga Pilipino doon.