Barko ng PCG, inihahanda na para sa paglilikas sa mga Pinoy na naiipit sa gulo sa Middle East

Magagamit na sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang misyon ang bagong barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na binili sa France nitong nakalipas na taon.

Ang BRP Gabriela Silang ay nito lamang December 30, 2019 na-turn over sa PCG at naglalayag pa lamang ito patungo ng Pilipinas at ina-asahan sanang sa February 10 ng taong ito makakarating sa Pilipinas.

Pero dahil sa gulo sa Middle East ay mabibinyagan na ito sa paglilikas sa mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan sa Gitnang Silangan.


Ang BRO Gabriela Silang ay kasalukuyang nakadaong sa Malta Freeport at ano mang oras ay handa na itong lumayag para ilikas ang mga Pinoy sa Middle East.

Ayon pa sa Coast Guard, limang daan katao ang kayang isakay sa BRP Gabriela Silang at ito ay may 35 crew members.

Bukod dito, magpapadala rin ang PCG ng karagdagang labing-walong crew members para tumulong sa kauna-unahang misyon ng BRP Gabriela Silang sa Middle East.

Mula Dubai o di kaya ay sa Oman ay maaaring ihatid ng nasabing barko ang mga Pinoy sa mas ligtas na pantalan at doon na maaaring i-airlift ang OFWs.

Facebook Comments