Barko ng Philippine Coast Guard na may panibagong kargang relief supplies patungong Catanduanes, posibleng dumaong muna sa Bacolod dahil sa masamang panahon

COURTESY: DEPARTMENT OF TRANSPORTATION

Posibleng pansamantalang dumaong muna sa Bacolod ang BRP Gabriela Silang ng Philippine Coast Guard (PCG) bago dumiretso sa Catanduanes para maghatid ng panibagong relief supplies.

Ayon sa PCG, sa sandaling gumanda na ang panahon, agad na didiretso ang BRP Gabriela Silang sa Port of Virac sa Catanduanes para magbaba ng supplies.

Kabuuang 74 na tonelada ng relief goods ang ibibiyahe ng BRP Gabriela sa Catanduanes.


Kabilang dito ang 7,500 kahon ng food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), 21,200 bote ng mineral water at 113 sako ng bigas.

Samantala, dumating na rin kanina sa Port of Tabaco sa Albay ang isa pang barko ng Philippine Coast Guard.

Inihatid naman nito ang supplies para sa mga mangingisdang naapektuhan ng Bagyong Rolly sa Bicol Region.

Kasama rito ang mga materyales sa pagkukumpuni ng mga nasirang motorbanca ng mga mangingisda sa kasagsagan ng Bagyong Rolly.

Facebook Comments