Sunday, January 18, 2026

Barko sa Batangas, sumadsad sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Uwan

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang barko ang sumadsad sa karagatang sakop ng Lemery, Batangas.

Ayon sa PCG, sumadsad ang landing craft tank na LCT Felicity 8 dahil sa malalakas na hangin at alon na epekto ng Super Typhoon Uwan.

Pansamantalang nakikisilong ang naturang barko sa Pagapas Bay sa Calatagan, Batangas, pero dahil sa masamang panahon ay inaanod at napadpad sa mababaw na bahagi ng dagat ng Barangay Wawa Ibaba.

Agad iniulat ng Barangay Chairman ang insidente sa Coast Guard Sub-Station Lemery kung saan rumesponde ang mga ito kasama ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Lemery.

Wala namang natamong matinding pinsala ang barki at ligtas ang lahat ng sakay na tripulante.

Hindi rin nakitaan ng oil spill o pagtagas ng langis na maaaring magdulot pa ng polusyon sa karagatan.

Inatasan naman ng Coast Guard ang kumpanyang nag-ooperate ng barko na magpadala ng tugboat para sa ligtas na towing operation.

Facebook Comments