
Nagresulta sa pansamantalang pagsasara ng kalsada ang pagbagsak ng malalaking bato at debris sa bahagi ng Barangay Lunas, section ng Barlig–Natonin National Road sa Mountain Province.
Ayon sa ulat ng Barlig Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), malalaki ang mga batong bumara sa kalsada kaya’t mahihirapan agad na maisagawa ang clearing operations.
Dahil dito, inaasahang tatagal pa bago muling mabuksan at maging ligtas ang daan para sa mga motorista at biyahero.
Payo ng lokal na pamahalaan sa mga motorista, iwasan muna ang nasabing ruta at dumaan sa mga alternatibong kalsada habang nagpapatuloy ang inspeksyon at paglilinis.
Pinapaalalahanan din ang publiko na mag-ingat, lalo na ngayong panahon ng madalas na pag-ulan na nagdudulot ng pagguho ng lupa at pagbagsak ng mga bato sa kabundukan.









