
Kumpiyansa ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU na magiging mapayapa ang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Oktubre 13.
Kasunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking maging payapa ang BARMM Parliamentary Elections sa kabila ng pagkaantala sa paghahanda ng botohan.
Sa isinagawang Signing of Peace Covenant sa Quezon City, sinabi ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. na inaasahan nilang magiging matagumpay ang unang parliamentary elections sa BARMM dahil nakatutok sina BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim at Moro Islamic Liberation Front Chairman Murad Ebrahim sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Muslim region.
Tinawag din ni Galvez na isang makasaysayang political exercise ang unang parliamentary elections sa BARMM dahil ang resulta nito ay higit na magpapatibay sa mga naunang kasunduan tungo sa ganap na kapayapaan sa Mindanao.
Dagdag ni Galvez, ang MILF ay nagsisimula nang mag-transform mula sa isang rebolusyonaryong grupo tungo sa isang social movement na malinaw na hakbang patungo sa mas maunlad at mapayapang Bangsamoro.









