Thursday, February 12, 2026

BARMM Elections, tinalakay na sa plenaryo; halalan sa rehiyon, iginiit na hindi na dapat maantalang muli

Iprinisinta na sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 1587 o ang panukalang layong i-reset at pormal na itakda ang unang regular Bangsamoro Election sa september 14, 2026.

Sa sponsorship speech ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri para sa panukala, iginiit nitong pitong taon na ang lumipas mula nang maipasa at maratipikahan ang Bangsamoro Organic Law (BOL) pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakaboto ang mga mamamayan ng BARMM.

Ito na aniya ang ikaapat na pagpapaliban ng BARMM elections at kailangang ito na ang huli.

Kapag patuloy pang naantala ang halalan, nagbabala si Zubiri na ito ay posibleng sumira sa tiwala ng mga mamamayan at sa nakamit na bunga ng kapayapaan sa rehiyon.

Dapat sana ay itinakda ang BARMM elections ngayong March 31, 2026 pero humiling ang Comelec ng dagdag na panahon ng paghahanda.

Batay sa konsultasyon sa Comelec, bangsamoro transition authority (BTA) at iba pang stakeholders, ang petsang September 2026 na ang pinakamaaga at pinaka-praktikal na petsa para matiyak ang maayos na paghahanda kabilang ang redrawing ng precinct maps, voter registration at pagpaparehistro ng mga partylist at sektor.

Facebook Comments