
Iginagalang ng Bangsamoro government ang inilabas na resolusyon ng Korte Suprema kaugnay ng Bangsamoro Autonomy Act No. 77.
Sa isang pahayag, sinabi ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua na kinikilala nila ang kapangyarihan ng Korte Suprema bilang final interpreter ng batas.
Kaugnay nito, nilinaw ng chief minister na ang Temporary Restraining Order (TRO) ay hindi nangangahulugang wala nang bisa ang naturang batas.
Sa halip aniya, pansamantalang ipinagpapaliban lamang ang pagpapatupad nito habang dinidinig pa ang mga petisyon.
Dagdag pa ni Macacua, nananatiling umiiral at may presumption of regularity ang Bangsamoro Autonomy Act No. 77 hanggang sa maglabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema.
Tiniyak naman ng Bangsamoro government na maghahain sila ng komento sa itinakdang panahon, alinsunod sa direktiba ng Kataas-taasang Hukuman.
Kumpiyansa raw silang maipapahayag sa tamang proseso ang kanilang paninindigan at mapangangalagaan ang mandato ng Bangsamoro Organic Law para sa kapakanan ng kanilang mamamayan.









