Wednesday, January 28, 2026

BARMM Parliamentary Elections, hindi na tuloy sa Marso; pagpasa ng batas ng Kongreso para sa bagong petsa, hihintayin pa ng Comelec

Hindi na matutuloy ang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa katapusan ng Marso.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, ito ay dahil na rin sa kakulangan ng oras para sa paghahanda.

Dahil dito, ipagpapaliban muli ang petsa ng kauna-unahang BARMM elections na ilang beses nang na-postpone.

Pero sa ngayon ay wala pang panibagong petsang itinakda para sa halalan dahil kinakailangan pang maghintay muna ng batas na ipapasa ng Kongreso kaugnay nito.

Apektado ang iskedyul ng BARMM elections dahil hinintay pang maipasa ang Bangsamoro redistricting law na nagtatakda ng mga parliamentary districts para sa halalan.

Inaprubahan ang panukala nito lamang January 13, pero hindi na aabot sa timetable ng Comelec upang matuloy ang eleksyon sa March 30.

Facebook Comments