Cauayan City, Isabela- Pinatayuan ng militar ng sementadong bahay ang isang 85 taong gulang na lola mula sa dati nitong barong-barong na bahay sa barangay Cataguing, San Mariano, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Sgt Rex Salibad ng 95th Infantry Battalion, ito’y sa tulong na rin ni Ms. Magie Zalun mula sa Canada na nagbigay ng financial assistance para sa pagpapatayo ng bahay.
Nagkaiisa ang pwersa ng ‘Salaknib’ Battalion sa pamumuno ng kanilang Commanding Officer na si LTCol Gladiuz Calilan, 1st PMFC 4rth Maneuver Platoon at ng PNP San Mariano para sa mas mabilis na pagpapatayo ng bago at ligtas na bahay ni Lola Martina Villenuena.
Una rito, ipinagbigay alam muna ng concerned citizen sa mga sundalo ang kalagayan ng lola kaya ito nabigyan ng pansin at natulungan ng militar.
Hirap aniya ang lola dahil sa tuwing umuulan ay nababasa sa loob ng kanyang tinitirhan dahil na rin sa mga butas-butas na bubong nito.
Wala na rin kinakasama sa buhay ang lola dahil nakahiwalay ito sa kanyang mga anak na mayroon na rin mga sariling pamilya.
Gayunman, nagbibigay pa rin naman ng tulong ang kanyang mga anak para sa kanyang mga pangunahing pangangailangan.
Sa ngayon ay wala pang bintana at pintuan ang ipinatayong bahay ng lola at anumang araw ay matatapos na rin ito.