Barong-barong na Bahay ng Isang Pamilya, Pinalitan ng mga Pulis sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Napalitan na ng bago at konkretong bahay ang barong-barong na tahanan ng isang pamilya sa Barangay Union, Cabagan, Isabela sa tulong ng kapulisan sa nasabing bayan.

Maswerteng napili ang pamilya ng mag-asawang sina Ginoong Antonio Amistoso at Ginang Ofelia Amistoso sa “Libreng Pabahay Project” ng Police Regional Office (PRO) 2 na kung saan sila ang pang 82 na benepisyaryo ng nasabing proyekto sa rehiyon.

Mismong si Police Brigadier General Crizaldo Nieves, Regional Director ng PRO 2 ang nanguna sa pagpapasakamay sa susi ng bahay sa mag-asawang Amistoso.


Maliban sa bahay, tumanggap din ang pamilya ng grocery items, bigas, beddings, isang set ng gas burner mula sa PNP Cabagan at nagbigay din si RD Nieves sa kanilang anak ng Ipad at cellphone.

Labis naman ang pasasalamat ng mag-asawa sa biyayang ipinagkaloob sa kanila ng PRO2.

Napili ang pamilya ni Amistoso sa gustong patayuan ng bahay ng kapulisan dahil sa kanilang nakitang sitwasyon na kabilang ang bahay ng mag-asawa sa madalas makaranas ng pagbaha sa tuwing tag-ulan at may bagyo.

Pinagtiyatiyagaan lamang umano ng pamilya ang kanilang barong-barong na bahay sa tuwing may sakuna kasama ang kanilang dalawang anak na kinabibilangan ng isang special child.

Pinasalamatan naman ni RD Nieves ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa pamumuno ni Provincial Director Police Colonel James Cipriano; ang Local Government Officials ng Cabagan sa pangunguna ni Mayor Atty. Christopher Mamauag, Barangay Officials at iba pang mga stakeholders at mga kapulisan na nagtulong-tulong upang maisakatuparan ang mga proyekto at programa ng PNP para sa mga pamilyang mahihirap.

Samantala, nagsagawa rin ng BARANGAYanihan ang PNP Cabagan na kung saan 50 na pamilya ang nabenepisyuhan ng libreng gulay, tsinelas, facemask at nagbigay pa ng grocery items sa 15 pamilya doon maliban pa sa feeding program na isinagawa ng Cabagan Police Station.

Facebook Comments