Maipatutupad sa Nobyembre ang barrierless expressway at interoperability ng mga Radio Frequency Identification o RFID sa North at South Luzon Expressways.
Inihayag ito ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo matapos ang pulong sa mga opisyal ng NLEX, SLEX at Toll Regulatory Board (TRB) ukol sa nangyaring matinding problema sa trapiko nitong nagdaang Holy Wednesday.
Sa naturang pulong na alinsunod sa direktiba ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay inamin ng NLEX na hindi kinaya ng kanilang toll booth ang bugso ng mga motoristang dumaan na umabot sa 87,000 gayong nasa 30,000 hanggang 40,000 lang ang kanilang kapasidad.
Binanggit ng NLEX na nakadagdag sa ugat ng problema ang tig-limang libong sasakyan na kulang o walang load ang RFID habang ang iba ay palyado na ang RFID sticker.
Bilang solusyon ay sinabi ni ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. at ngayon ay Metro Pacific Tollways President Rogelio Singson na sa Nobyembre magiging barrierless na ang entry dahil aalisin ang mga toll gate sa kanilang mga entry point at mas maayos at mabilis na RFID system ang ipapalit.
Ayon kay Singson, sa susunod na taon ay mga exit point naman ang kanilang gagawing barrierless.
Binanggit din ni Singson ang interoperability ng mga RFID kung saan iisang RFID ang gagamitin sa lahat ng expressway sa Pilipinas, kabilang ang SLEX, NLEX, Skyway, CALAX, TPLEX at iba pang expressway.
Kasama rin sa long-term solution ang pagdagdag ng mga kalsada sa mga expressway kabilang ang mga elevated expressway para matugunan ang patuloy na pagdami ng mga sasakyan sa bansa.