Manila, Philippines – Inilabas na ng Palasyo ng Malacañang ang Joint Resolution Number 1 o ang pagtataas ng base pay ng mga Military and uniformed personnel ng pamahalaan o sa madaling sabi, mga sundalo, pulis, bumbero, jail officers, mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) at National Mapping and Resource Information Authority o NAMIRA.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Joint Resolution nitong January 1 at epektibo din ng unang araw ng 2018.
Base sa Joint Resolution ay magkakaroon ng dalawang tranches ang base pay increase at ang ikalawa ay matatanggap sa susunod na taon o sa 2019, kung saan tataas pa ang base pay ng Senior Police officer 4, First Chief Master Sergeant, Senior Fire officer, Jail officer 4, at First Master Chief Petty officer pataas.
Base sa nasabing Joint Resolution ay tataas sa 29,668 ang matatanggap ng police officer 1 at private at tataas ito habang tumataas ang ranggo ng mga uniformed personnel kung saan makatatanggap ng 121,143 pesos ang PNP Chief na may ranggong Director General at AFP Chief pero ito ay sa unang tranch palang. Kapag naman sumapit na ang 2019 ay aabot na sa 149,785 ang sweldo ng PNP Chief at AFP Chief.
Tatanggap naman ng fixed rate na hazard pay ang mga uniformed personnel na nagkakahalaga ng 540 pesos kada buwan.