Baseco Beach, bantay sarado na ng mga awtoridad

Bantay sarado ngayon ng tauhan ng Manila Police District (MPD), barangay at Philippine Coast Guard (PCG) ang Baseco Beach sa Port Area sa lungsod ng Maynila.

Ito’y para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa nasabing lugar at masunod ang panuntunan hinggil sa health and safety protocols lalo na ngayong hindi pa natatapos ang COVID-19 pandemic.

Ayon kay Brgy. 649 Chairman Diana Espinosa, sinusunod lang din nila ang kautusan ng MMDA na panatilihing sarado ang Baseco Beach kahit sa mga residente na nakatira malapit dito.


Nagtalaga na rin ng regular na bantay na pulis sa lugar si MPD Station 13 Chief Police Lt. Colonel Robert Domingo dahil may ilang pasaway pa rin ang lumalangoy.

Ilang beses na rin nagrereklamo ang barangay dahil ang ilang residente sa kanila ay pumapalag pa kapag sinisita ng mga tanod kaya’t malaki ang kanilang pasasalamat na may mga pulis nang naka-assign dito.

Ang mga tauhan naman ng Coast Guard ay nag-iikot sa dalampasigan ng Baseco Beach upang masiguro na walang makalulusot na residente para maligo.

Nabatid na ayon sa kapitan ng barangay na tuwing buwan Abril at Mayo bago tumama ang pandemya ay umaabot ng hanggang 10, 000 ang mga taong nagtutungo sa dalampasigan ng Baseco kada araw para makapaligo sa Manila Bay.

Facebook Comments