Manila, Philippines – Hinikayat ng LTFRB ang mga bus company na maglagay ng tanda ng height limit sa mga pintuan ng bus.
Ito ay para masunod ng tama ng mga kompanya ng bus maging ng mga pasahero ang patakaran ng ahensya sa paniningil ng pamasahe.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada –kapag 1 meter and below ang pasahero, libre o pwedeng ikalong kapag 1.3 meter pataas, half-fare at nakaupo.
Ang paalalang ito ng LTFRB ay makaraang ireklamo ng isang pasahero ang kundoktor ng bus na umano’y namahiya sa kanya matapos silang kapusin sa pamasahe.
Sumbong ni Melanie Villafranca, tinaasan siya ng boses ng konduktor ng Diamond Star Bus na si Ronald Insiong matapos siyang makiusap na kakandung-kandungin na lang ang dalawa niyang anak.
Katwiran ng konduktor, malalaki na ang mga bata para ikalong.
Dahil dito nagdesisyon silang bumaba sa coastal road at pinababalik ang ibinayad na pamasahe pero hindi pumayag si Insiong dahil nabigyan na sila ng ticket.
Dito na inireklamo ni Villafranca sa pulisya ang konduktor.
Desidido aniya siyang sampahan ng kasong Unjust Vexation si Insiong.
Nangako naman ang kompanya ng bus na iimbestigahan ang insidente.