Manila, Philippines – Inatasan ng Palasyo ng Malacañang ang Department of Foreign Affairs at Embahada ng Pilipinas sa Estados Unidos ng Amerika na alamin ang pinagbasehan ng Pamahalaan ng Estados Unidos ng Amerika para magutos na itigil muna ng isang taon ang pagiissue ng working visa para sa mga Pilipino.
Naglabas kasi ng kautusan ang US Department of Homeland Security na itigil muna ang paglalabas ng working visa para sa mga Pilipino dahil sa mga kaso ng overstaying at pati sa mga kaso ng human trafficking.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, ang DFA muna ang bahala sa usaping ito upang malaman kung ano ang magiging hakbang ng Pamahalaan sa issue.
Sakali naman aniyang makita ng DFA na mayroong basehan ang kautusan ng Estados Unidos ay wala namang magagawa ang Pilipinas at igagalang nito ang kautusan.
Pero sakali naman aniyang walang basehan ay maaari namang humingi ng reconsideration ang Pilipinas upang bawiin ang pagpapatupad ng ban.
Batay sa US Department of Homeland Security ay nagsimula ang one year ban noong January 19 at magtatagal ito hanggang January 18, 2020.