Mahigpit na ipapatupad ang price freeze sa basic commodities sa buong Luzon kasunod ng deklarasyon ng state of calamity.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kapag idineklara ang state of calamity ay awtomatikong ipatutupad ang price freeze sa ilalim ng Price Act.
Sakop ng price freeze ang bigas, itlog, karne ng baboy at baka, essential medicines at Liquefied Petroleum Gas (LPG).
Kasama rin dito ang mantika, mais, isda, gulay, asukal at prutas.
Kontrolado rin ang presyo ng mga delata, processed milk, kape, sabong panlaba, kandila, asin, inuming tubig at instant noodles.
Ang panggatong at uling ay itinuturing ding essentials.
Matatandaang inilabas ng Malacañang ang Proclamation No. 1015 na nagdedeklara ng state of calamity sa buong Luzon kasunod ng matinding pinsalang iniwan ng mga nagdaang bagyo.