
Pormal nang sinimulan ang Basic Life Support at Standard First Aid Training para sa unang batch ng mga barangay volunteers sa Alaminos City, bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan ng komunidad sa pagtugon sa mga emerhensiya.
Pinangunahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang naturang pagsasanay, sa suporta ng pamahalaang lungsod. Layunin nitong mabigyan ang mga kalahok ng sapat na kaalaman at kasanayan sa tamang pagbibigay ng paunang lunas, cardiopulmonary resuscitation (CPR), at iba pang life-saving techniques.
Sa unang araw ng training, sumailalim ang mga volunteers sa mga lecture at hands-on exercises kung saan kanilang isinabuhay ang mga natutunang pamamaraan sa pagresponde sa iba’t ibang sitwasyon, kabilang ang aksidente at biglaang karamdaman.
Binigyang-diin din sa aktibidad ang kahalagahan ng mabilis, maayos, at koordinadong pagtugon sa oras ng sakuna, lalo na sa antas ng barangay kung saan unang naibibigay ang tulong sa mga residente.
Ayon sa mga tanggapan, ang pagsasanay ay bahagi ng patuloy na programa ng lungsod upang makapagtatag ng mas handa, disiplinado, at responsableng komunidad. Inaasahang ang mga kalahok ay magsisilbing katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa kanilang nasasakupan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










