Basic medical training at disaster response, nais ng isang kongressita na ipaloob sa curriculum ng lahat ng educational institution

Isinulong ni Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos na maisama ang basic medical training at disaster response awareness sa curriculum ng lahat ng educational institution.

Ang mungkahi ni Delos Santos ay nakapaloob sa inihain niyang House Bill 1923 o panukalang Laging Handa Act of 2022.

Ayon kay Delos Santos, base sa Article 14 ng Saligang Batas ay kailangang linangin ng estado ang sistema ng edukasyon na akma sa kasalukuyang mga hamon na kinahaharap ng publiko at lipunan.


Diin ni Delos Santos, ang sunud-sunod na kalamidad na tumatama sa bansa at ang patuloy na epekto ng COVID-19 pandemic ay nagpapakitang panahon na para palawakin ang kaalaman ng mga mag-aaral ukol sa emergency response.

Sa ilalim ng panukala ay inaatasan ang mga paaralan, kolehiyo, unibersidad, at vocational learning institutions na ipaloob sa kanilang curriculum ang mga asignatura, units, electives o courses na may kinalaman sa medical training at emergency o disaster awareness, preparedness at response.

Sakaling maging batas ang panukala ni Delos Santos, ang implementing rules and regulations o IRR nito ay bubuuin ng Commission on Higher Eucation, at Department of Education.

Magiging katuwang din sa pagbuo ng IRR ang Department of Health, Department of the Interior and Local Government at National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Facebook Comments