CAUAYAN CITY- Malaking tulong ngayon para sa mga residente at kalikasan ang inilunsad na programa ng bayan ng Santa Praxedes na pagbibigay ng bigas kapalit ng basura.
Ayon kay Mayor Esterlina Aguinaldo, tumatanggap sila ng mga balat ng mga chichirya na ginunting-gunting ng mga residente at bilang kapalit ay nagbibigay ang LGU ng bigas at iba pang kagamitan.
Dagdag pa niya, ang mga nakolektang mga plastic ay kanilang ginagamit sa paggawa naman ng mga unan at saka ibebenta.
Sinumulan ang nasabing proyekto noong panahon ng pandemya at ikinatuwa naman ito ng alkalde ng naturang bayan dahil ilan sa mga residente ay ginawa na itong pangkabuhayan.
Maliban pa dito, dahil na rin sa pag-iipon ng mga basura ng mga residente ay nababawasan ang kalat na siyang nakatutulong naman sa kalikasan.