Basura ng South Korea na iligal na dinala sa Pilipinas, ibabalik na

Nakatakdang ibalik ng Bureau of Customs sa South Korea ang lahat ng basura na iligal na dinala sa Pilipinas.

Ang nasabing shipment na idineklarang plastic flakes ay nalamang naglalaman ng mixed non-biodegradable wastes na kasalukyang nasa Port of Cagayan De Oro.

Agad na naglabas ang Bureau of Customs (BOC) Cagayan de Oro ng Warrant of Seizure and Detention sa kargamento na isang violation sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).


Matatandaan na may nauna nang shipment ng re-exportation na naisagawa noong  Enero 13, 2019 at kabilang dito ang nasa 51 na 40-foot containers.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Port of Cagayan de Oro District Collector Jon Simon na noong Enero 19,2020, karagdagang 50 containers ang napabalik na sa South Korea.

Paliwanag pa ng opisyal, karagdagang batch pa ang kailangang maibalik sa Pebrero 16 at 23 na aabot sa kabuuang 201 containers.

Nagpasalamat naman si Simon sa mga nasa likod ng matagumpay na pagbabalik ng basura sa South Korea at sinabi na ang ahensya sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Rey Guerero ay mananatili sa kanilang tungkulin na protektahan ang border ng bansa laban sa pagpasok ng anong uri ng iligal na kargamento kabilang ang mga basura na peligro sa kalusugan at kapaligiran.

Facebook Comments