Pansamantalang pinatitigil ng Bureau of Customs (BOC) ang operasyon ng Korean na kompanyang Verde Soko Philippines Industrial Corporation sa Tagoloan, Misamis Oriental matapos dumating sa bansa ang 5,000 tonelada ng basura mula South Korea.
Ayon kay John Simon, port collector ng Mindanao International Container Terminal Port, naglabas na sila ng warrant of seizure and detention laban sa kompanya habang patuloy itong iniimbestigahan.
Aniya, Hulyo nang dumating ang mga 51 container galing South Korea na idineklarang naglalaman ng “plastic synthetic flakes”.
Sabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda, naglalaman ang mga container ng mga halong-halong basura na delikado sa kalusagan.
Aniya, may mga bumbilya, diapers, baterya, mga lumang electronic equipment, dextrose tube at iba pang hospital waste gayundin ang mga plastic, bakal, tela at goma ang nilalaman ng mga containers.
Sa isa namang pahayag, sinabi ng representante ng Verde Soco na ang mga nasabing basura ay mga “raw material” para sa recycling pero aminado silang misdeclared ang mga ito nang ipadala sa bansa.