Bata na 6 araw hindi tumibok ang puso, naisalba ng transplant

Photo/Shanghai Children's Medical Center

Isang batang babae sa China na may malubhang karamdaman sa puso ang nalagpasan ang ilang araw na walang heartbeat, sa tulong ng makina at matagumpay na heart transplant operation.

Sa pagtutulungan ng mga doktor mula sa Shanghai Children’s Medical Center at Changhai Hospital, naisagawa ang transplant sa 10-anyos nakaraang buwan, Hunyo 3, anim na araw nakalipas mula nang tumigil sa pagtibok ang puso ng bata.

Ayon sa Shanghai Children’s Medical Center, dinala sa ospital ang bata na may sintomas ng paninikip ng dibdib, paghingal, pagsusuka, at lagnat na kinumpirmang kaso ng acute carditis o pamamaga ng puso, noong katapusan ng Mayo.


Lumabas din sa ilan pang examination na may fulminant carditis ang pasyente, na ayon sa doktor ay may pinakamataas na mortality rate sa mga klase ng carditis.

Mabilis na lumala ang sakit ng bata na nauwi sa heart failure habang nasa intensive care unit.

Isinagawa ng mga doktor ang pamamaraang tinatawag na extracorporeal membrane oxygenation o ECMO para panatilihin ang blood circulation at suplay ng oxygen sa pag-asang bumalik ang paggana ng puso, ngunit hindi ito gumana.

Kaya nag-imbita ng mga eksperto mula sa Changhai Hospital, na nagsabing maililigtas ng heart transplant ang bata.

Hindi naging madali ang pagma-match na puso pero nakahanap sila sa tulong ng China Organ Transplant Response System.

Bumalik sa normal ang heartbeat ng bata matapos ang dalawang oras ng operasyon.

Binigyan din ang pasyente ng panlaban sa impeksyon at iba pang sintomas.

Facebook Comments