Bata na may Bukol sa Likod, Tinulungan ng Militar!

Cauayan City, Isabela- Matagumpay na naoperahan ang iniindang malaking bukol sa likod ng isang bata sa tulong ng mga kasundaluhan sa ilalim ng 5th Infantry ‘Star’ Division.

Si Winzy Tamayo Bangalan, 7 taong gulang na residente ng Brgy Cabaritan East, Ballesteros, Cagayan ay mayroong malaking bukol sa likod at inaalagaan na lamang ng kanyang lola dahil hiwalay na ang kanyang mga magulang.

Hindi na rin nakapag-aral si Winzy dahil sa kanyang bukol na patuloy ang paglaki.


Nang maiparating sa kasundaluhan ang sitwasyon ng bata ay agad na gumawa ng hakbang ang 502nd Infantry ‘Liberator’ Brigade na pinamumunuan ni Brig. Gen. Laurence E. Mina at ng 17th Infantry ‘Do or Die’ Battalion sa pamumuno naman ni Lt. Col. Angelo C. Saguiguit upang mailapit sa isang TV Network Foundation at sa iba pang mga ahensya ng gobyerno.

Dahil dito ay agad na natulungan ang bata na kasalukuyan nang nagpapagaling.

Facebook Comments