Isang 12-anyos na bata ang nasawi matapos na hulihin ng mga tanod sa Brgy. 184, Maricaban, Pasay City.
Nabatid na nasita ang bata dahil sa paglabas nito sa kanilang bahay na paglabag sa guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Sa isang panayam kay Brgy. 184 Liason Officer Desiree Donovan, nangyari ang insidente noong April 14 kung saan hinuli ang bata saka ito hinawakan ng dalawang tanod na hindi naman na pinangalanan.
Sinasabing iuuwi sana ng mga tanod sa kanilang bahay ang bata pero nagpumiglas umano ito.
Dahil dito, nabagok ang ulo ng bata at nagkaroon ng brain hemorrhage na nauwi sa pagkasawi nito.
Iginiit naman ni Donovan na may kasalukuyang sakit ang bata na rheumatic heart disease na isa sa mga dahilan kaya lalo itong natakot nang sinabihang ikukulong kung hindi uuwi.
Dagdag pa ng isa sa mga opisyal ng barangay, walang foul play sa insidente at itinuturing nila itong isolated case.
Wala pa namang inilalabas na pahayag ang mga magulang ng bata at kanila muna raw hihintayin ang resulta ng autopsy ng kanilang anak.