Bata naputulan ng daliri dahil sa “Dart Bomb”; biktima ng paputok sa bansa 115 na – DOH

Umakyat pa sa 115 ang mga kaso ng biktima ng paputok sa bansa.

Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), nakapagtala ng 8 bagong firecracker-related injuries hanggang nitong December 31, 2023.

Anim sa bagong kaso ang nangyari sa bahay at mga kalye, habang ang dalawa pa ay naitala sa designated areas.


Naglalaro sa 4 hanggang 47 ang edad ng mga bagong biktima kabilang ang isang bata sa Central Luzon na naputulan ng lahat ng daliri sa kanang kamay dahil sa iligal na paputok na “Dart Bomb”.

Nagtamo rin ng sugat ang leeg ng bata dahil sa paputok.

Ayon pa sa datos ng DOH, halos apat sa bawat sampung kaso ang naitala sa National Capital Region (NCR).

Tinukoy naman ang Boga, 5-star, Kwitis, Picollo, Luces, Pla-Pla at Whistle Bomb bilang mga pangunahing mga paputok na nagdulot ng injuries.

Facebook Comments