Bata, patay matapos umanong bugbugin ng nakainom na ina

NORZAGARAY, Bulacan – Nauwi sa kamatayan ang isang 4-anyos na bata matapos bugbugin ng sariling ina nang makainom ito noong Enero 26.

Kinilala ang suspek na si Claudine Valdez, nanay ng biktima na naiulat na madalas ikulong at saktan ang mga anak.

Sa iniwang salaysay ni Police Senior Master Sergeant Ricarte Gallos ng Norzagaray, Bulacan, naireport na madalas daw pagmalupitan ni Valdez ang bata sa tuwing nalalasing ito.


Aniya, “Noong January 26 po ay nag-inom po itong nanay, ikinulong na naman ‘yung mga bata. Pagdating nu’ng nanay, lasing po, nasaktan na naman po itong bata.”

Noon ay nakatanggap na rin ang barangay ng kaso nang pambubugbog ng ginang maging ng kinakasama nito sa mga anak ngunit nangakong hindi na ito uulitin.

Sabi naman ng Brgy. Anti-Drug Abuse Council ng Barangay Minuyan na si Zenaida Relente, paiwanag daw ng suspek ay nainis siya sa anak nang dumumi ito.

“May bukol po dito, sir o. Tapos may mga pasa dito, marami, sir ‘yung dito niya,” saad niya.

Samantala, nadiskubre naman ng awtoridad na gumagamit ng droga ang suspek gayundin ang kanyang kinakasama.

Sa ngayon ay nakakulong na ang dalawa at humaharap sa kasong parricide si Valdez samantalang accessory to the crime naman ang kanyang kinakasama.

Labis naman ang pagsisisi at pangungulila ng lola ng biktima na matagal na umanong gustong kunin ang mga apo.

Facebook Comments