ARIZONA, US – Nauwi sa kamatayan ng 6-anyos na bata ang pagkandado sa kanya ng mga magulang sa aparador na tumatagal ng 16 oras kada araw sa loob ng isang buwan.
Sa ulat ng pulisya, inamin ng mga magulang ng biktima na sina Elizabeth Archibeque at Anthony Martinez na araw-araw ay pinapasok nila sa aparador ang bata kasama ng 7-anyos nitong kapatid at binibigyan lamang ng kaunting makakain.
Mula raw ito nang mahuli nila ang dalawang bata na kumukuha ng pagkain habang natutulog umano sila.
Lumabas sa awtopsiya na matinding gutom ang ikinamatay ng biktima na nauwi sa bigat na 18 pounds.
Itinuturing na homicide ang pagkasawi nito kaya humaharap sa first-degree murder, kidnapping at child abuse ang kanyang mga magulang maging ang lola nito na si Ann Martinez.
Sa susunod na buwan malalaman kung anong magiging resulta sa korte ng nasabing kaso.
Samantala, lumalabas naman sa medical history ng biktima na una na itong nagkaroon ng sepsis at urinary tract infection noong 2-linggong-gulang pa lamang ito na nagresulta sa pagkakaroon niya ng lagnat at madalas na pagsusuka.
Nang maiuwi raw ito noon mula sa ospital, pinayuhan ng doktor ang kanyang mga magulang kung ano ang dapat gawin para maging malusog ang kanilang anak.
Ngunit matapos ang insidente, nasawi ang bata na mayroon lang 18 pounds– kanyang bigat noong siya ay 1-anyos pa lamang.
Sa huli ay binanggit ng ama ng bata na matinding budgeting daw ang kanilang ginagawa para makabili ng pagkain para rito.