Manila, Philippines – Viral sa social media ang video kung saan muntik na niyang masagasaan ang isang batang biglang sumulpot at tumawid sa kalsada sa lungsod ng Maynila.
Sa dashcam video ng isang motorista, makikitang pababa ang sasakyan sa jones bridge papuntang city hall sa Maynila nang biglang may sumulpot na isang bata na patakbong tumawid ng kalsada.
Kasunod ng bata ang isang babaeng tumawid din.
Maswerteng mabilis na nakapreno ang sasakyan kaya hindi nasagasaan ang bata.
Lumalabas na hindi lang mga bata ang nakikipagpatintero sa daan maging ang mga nagtatrabaho at mga estudyante sa Intramuros pati na rin ang mga padyak.
Aminado si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Alcoreza – na hindi nagagamit ang underpass dahil hindi na ito kaaya-aya, may mabahong amoy, marumi at pinagpwestuhan na ng mga informal settlers.
Target ng MTPB na maayos sa lalong madaling panahon ang underpass lalo’t ilang araw na lamang ay balik eskwela na sa ilang paaralan.
* DZXL558*