Kumpiyansa ang Deparment of Energy sa posibilidad na muling mabuksan at magamit ang Bataan Nuclear Power Plant sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa interview ng RMN Manila kay DOE Asec. Gerardo Erguiza, binigyan diin nito na walang imposible lalo na’t may political will ang Pangulong Duterte na muling magamit ang Bataan Nuclear Power Plant para sa mas murang kuryente.
Nabatid na ipinag-utos ng Pangulo sa DOE na magsagawa ng public consultations sa mga residente ng probinsya ng Bataan para sa pag-buhay sa nasabing planta.
Sinabi ni Erguiza na batay sa kanilang initial survey, halos lahat ng kanilang tinanong ay pabor sa revival ng Bataan Nuclear Power Plant.
Ang 2-billion US dollar na Bataan Nuclear Power Plant ang kauna-unahan at tanging nuclear power station sa bansa.
Ito ay itinayo sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1973 sa kasagsagan ng oil crisis, pero hindi ito nabuksan o nakapag-operate dahil sa alegasyon ng korapsyon at safety issues.