Bukod sa Bataan Nuclear Power Plant, isinusulong ngayon ni Sen. Imee Marcos ang iba pang alternatibong pagkukunan ng enerhiya sa bansa.
Kasunod na rin ito ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Energy na magsagawa ng public consultation para sa muling pagbuhay ng Bataan Nuclear Power Plant.
Sa interview ng RMN Manila, ibinulgar ni Marcos na wala nang laman at gusali na lang ang natira sa nasabing power plant.
Ayon kay Marcos, natuklasan nito na nabenta na ang mga reactor sa mga nakaraang administrasyon kaya back to zero kung bubuksan muli ito.
Sinabi ng Senadora na bagama’t legasiya ng kanyang yumaong ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Bataan Nuclear Power Plant, maiintindihan aniya ng kanyang ama na may mga makabagong teknolohiya at marami nang alternatibo sa panahon ngayon na pagkukunan ng enerhiya.