Batanes, 24/7 pa rin sa pagbabantay kahit humina na ang Bagyong Henry

Kahit humina na, 24/7 pa rin ang ginagawang pagbabantay ng Batanes sa posibleng epekto ng Bagyong Henry sa probinsya.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Batanes Governor Marilou Cayco na hindi sila magpapakampante hangga’t hindi nakalalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo.

Sa ngayon, pabugso-bugsong ulan at hangin ang umiiral sa probinsya.


Kagabi pa lamang, kinansela na ang pasok sa lahat ng eskwelahan sa buong batanes habang sinuspinde na rin kanina ang trabaho sa mga opisina ng gobyerno maliban sa mga ahensyang may kinalaman sa disaster response at health services.

Walang naitalang landslide at pinsala sa mga bahay at imprastraktura.

Isang pamilya lamang din ang inilikas kagabi dahil gawa sa light materials ang kanilang bahay.

Samantala, maaga ring ipinamahagi ng provincial government ang nasa 5,000 family foodpacks mula sa Department of Social Welfare and Development.

Tiniyak naman ni Cayco na handa na rin ang mga materyales na ipamamahagi nito para sa mga masisira ang bahay dahil sa bagyo.

Facebook Comments