Posibleng tumama na sa kalupaan bukas ng umaga ang Bagyong Siony sa bahagi ng Batanes at Babuyan Island.
Huli itong namataan ng PAGASA sa layong 475 kilometers Silangan ng Basco, Batanes.
Taglay ng Bagyong Siony ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometers per hour malapit sa gitna at pabugsong aabot sa 115 kph.
Kasalukuyan itong kumikilos pa-Kanluran sa bilis na 25 kph.
Dahil dito, itinaas na ng PAGASA sa Tropical Cyclone Wind Signal Number 2 ang Batanes at Babuyan Island.
Habang Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 naman sa Hilagang bahagi ng mainland Cagayan, Hilagang bahagi ng Apayao at Hilagang bahagi ng Ilocos Norte.
Inaasahan namang mas lalakas pa ang Bagyong Siony at posibleng itaas pa sa Tropical Cyclone Wind Signal Number 3 ang ilang apektadong lugar.
Dahil sa trough ng bagyo, makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan na may pagkulog at pagkidlat ang ilang bahagi ng Luzon kabilang ang Pangasinan, malaking bahagi ng Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas at Mindanao.
Samantala, bukod sa Bagyong Siony ay isa pang Low Pressure Area (LPA) ang binabantayan ng PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at posibleng pumasok ito bukas o sa susunod na araw pero sa ngayon ay mababa pa ang tyansa nitong maging isang bagyo.