Cauayan City, Isabela-Muling nakapagtala ng panibagong aktibong kaso ng COVID-19 ang lalawigan ng Batanes.
Sa inilabas na abiso ng Provincial Government, pawang mga kasapi ng Bureau of Fire Protection na kabilang sa Authorized Person Outside Residence ang naitalang kaso sa lalawigan matapos lumabas na positibo ang resulta ng kanilang RT-PCR test.
Dumating sa probinsya noong July 9, 2021 ang dalawang BFP personnel lulan ng MMOV 001 o sasakyang pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) mula sa Sta. Ana, Cagayan at agad rin na dumiretso sa Disvayangan Quarantine Facility sa bayan ng Mahatao.
Si B-013 ay isang 30-anyos na lalaki na nakitaan ng sintomas ng pananakit ng lalamunan at sipon noong July 17 at agad na isinailalim sa strict isolation sa isang resort na nagsisilbing quarantine facility ng probinsya habang si B-014 ay isang 46-anyos subalit walang naranasang anumang sintomas ng virus.
Agad namang nagsagawa ng contact tracing ang health cluster ng probinsya habang patuloy na inoobserbahan ang mga nasabing pasyente.
Sa kabila nito, nagpaalala naman ang provincial government na walang exposure ang mga nasabing pasyente sa komunidad dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng quarantine protocols para sa dumarating sa probinsya.
Samantala, nananatili pa rin sa Modified General Community Quarantine-Low-Risk ang buong lalawigan.