Cauayan City, Isabela- Naghahanda na ngayon ang pamahalaang panlalawigan ng Batanes sa posibleng pananalasa ng Bagyong Siony sa probinsya.
Ito ay kasabay ng ginawang pagpupulong na pinanguhan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Ayon kay Governor Marilou Cayco, agad niyang pinakilos ang ibang sangay ng gobyerno para paghandaan ang epekto ng bagyo.
Inatasan na rin ng gobernador ang lahat ng alkalde na pakilusin ang lahat ng kani-kanilang disaster team habang inalerto din nito ang mga opisyal ng barangay para mag-ikot at abisuhang itali ang ilang bahagi ng mga kabahayan gamit ang lubid para maiwasang tangayin ng malakas na hangin.
Nakapwesto na rin ang lahat ng uri ng sasakyan upang magamit sa posibleng paglikas ng mga residente sa low-lying areas ng bawat bayan.
Bukod dito, inamin din naman ni Cayco na may kakulangan ng suplay ng bigas sa probinsya habang hinihintay naman ang pagdating ng dalawang barko na naglalaman ng sako-sakong bigas sakaling maging maayos ang panahon.
Hinimok naman ng opisyal ang mga Ivatan na maging alerto rin at sumunod sa magiging abiso ng mga otoridad.
Sa ngayon ay nakakaranas ng malakas na bugso ng hangin ang probinsya.