BATANG BOKSINGERO MULA MALASIQUI, PATULOY ANG PAG-ARANGKADA MATAPOS ITALA ANG IKAPITONG SUNOD NA PANALO

Patuloy na umaangat ang karera ni Ronerick “Jackhammer” Ballesteros mula Malasiqui, Pangasinan matapos magtala ng impresibong 7–0 record, kabilang ang anim na knockout.

Sa edad na 21, lumalakas ang kanyang pangalan sa propesyonal na boksing dahil sa bagsik ng kanyang kamao, isang katangian na nagbigay sa kanya ng bansag na “Jackhammer.”

Ayon sa kanyang ama na siya ring coach, matinding disiplina at determinasyon ang nagtulak sa binata na umangat, simula pa noong siya ay 12 taong gulang at nagsimula nang walang-sawang mag-ensayo.

Noong 2018, naiuwi niya ang dalawang gintong medalya sa Batang Pinoy National Championship sa Baguio City, patunay sa kanyang malaking potensyal.

Noong 2023, nakuha niya ang kanyang unang professional win sa Bayambang, Pangasinan na sinundan ng anim pang sunod-sunod na tagumpay.

Noong Oktubre 29, nasungkit niya ang Philippine Youth Lightweight Belt sa “Thrilla in Manila 2” sa Smart Araneta Coliseum matapos talunin ang kalaban via technical knockout sa ikalimang round.

Patuloy siyang binabantayan ng mga tagasubaybay at eksperto bilang isa sa mga atletang may malaking potensyal sa larangan ng boksing.

Facebook Comments