Batang nagpositibo sa COVID-19 antigen test matapos pumunta sa mall, isolated case – DOH

Maituturing na isolated case ang kaso ng dalawang taong gulang na batang nagpositibo sa COVID-19 matapos magpunta sa mall.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maraming posibleng dahilan ng pagkakasakit ng bata at hindi rin sila makakatiyak na sa mall nahawa ang bata.

Pero nagpaalala pa rin ang ahensya sa mga magulang at guardians na hangga’t maaari ay iwasang dalhin ang kanilang mga anak sa mataong lugar.


Paliwanag pa ni Vergeire, ang pangunahing dahilan kung bakit pinayagan na ang paglabas ng kabataan ay para makapag-ehersisyo, maarawan at makipag-interact sa iba pang bata.

Kaugnay ito, ipinanawagan ni Philippine Medical Association President Dr. Benito Atienza na huwag munang isama sa mall o mataong lugar ang mga bata.

Aniya, bagama’t malakas ang resistensya ng mga ito ay pwede silang maging carrier ng COVID-19.

Facebook Comments