Ligtas na natagpuan at agad na naibalik sa kanyang ina ang isang batang naiulat na nawawala habang isinasagawa ang isang Civic Parade sa pagdiriwang ng Binmaley Town Fiesta.
Halos isang oras din umanong hinanap ng ina ang bata bago ito tuluyang i-report sa kapulisan.
Rumesponde rin kaagad ang mga awtoridad nang matanggap ang impormasyon tungkol sa nawawalang bata.
Isinagawa ang agarang paghahanap sa nawawalang bata ng mga hanay ng pulisya na naka-deploy sa nasabing aktibidad.
Kabilang dito ang mga nakatalaga sa crowd control at area monitoring upang masaklaw ang mga posibleng lugar na kinaroroonan ng bata.
Kalauna’y natagpuan rin ang bata at ligtas na naibalik sa kanyang inang labis na nagpapasalamat sa mabilis na tulong at paghahanap sa kanyang anak.
Samantala, patuloy na pinaaalalahanan ng kapulisan ang publiko na maging mapagmatyag, lalo na sa mga mataong lugar, at agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa anumang insidenteng may kinalaman sa kaligtasan ng mga mamamayan.








