BATANG ROSALEÑO, PINARANGALAN NG GOLDEN CUP AWARD SA MATH OLYMPIADS MIDYEAR AWARDS CEREMONY

Isang karangalan ang iginawad sa bayan ng Rosales matapos tanghaling Golden Cup Awardee si Harold Abrina ng Barangay Carmen West sa Math Olympiads Training League Inc. (MOTLI) Mid Year Awards Ceremony na ginanap noong Hulyo 13, 2025 sa Tejeros Hall, Camp Aguinaldo, Quezon City.

Ang prestihiyosong Golden Cup Award ay ibinibigay lamang sa mga piling estudyanteng nakapag-uwi ng apat na gintong medalya mula sa iba’t ibang international mathematical competitions. Kabilang dito ang Thailand International Mathematical Olympiad (TIMO), Guangdong-Hongkong-Macau Greater Bay Area Mathematical Olympiad (BBB), Philippine International Mathematical Olympiad (PhIMO), at Hong Kong International Mathematical Olympiad (HKIMO).

Si Harold ay isa sa mga natatanging kabataang Pilipino na nagpamalas ng pambihirang husay sa larangan ng matematika sa pandaigdigang entablado na isang tunay na huwaran ng talino, tiyaga, at determinasyon.

Lubos ang pasasalamat at pagmamalaki ng buong bayan ng Rosales sa kanyang tagumpay. Hindi lamang niya pinasaya at pinarangalan ang kanyang pamilya at paaralan, kundi itinaas din niya ang bandera ng buong lalawigan ng Pangasinan sa larangan ng edukasyon at agham. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments