Wednesday, January 21, 2026

Batangas 1st District Rep. Leviste, araw-araw ang gagawing paglalabas ng ‘Cabral files’

Marami pang ilalabas na dokumento si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste kaugnay ng mga files ng Department of Public Works and Highways o DPWH na ipinasakamay sa kanya noon ni dating Usec. Maria Catalina Cabral.

Aniya mas maiging utay-utay ang paglalabas nito ng tinatawag ngayong Cabral files para kung may katanungan ang taumbayan ay agad niya itong maipapaliwanag.

Aniya, hindi na siya mapipigilang ilabas ang Cabral files matapos ibunyag na maraming kongresista ang pumigil sa kanya noon para hindi muna ilabas ang mga dokumento ng DPWH matapos sumabog ang isyu ng mga maanomalyang flood control projects.

Inamin din ni Leviste na siya ang nagbigay ng mga dokumento sa Philippine Center for Investigative Journalism o PCIJ at noong Nobyembre ay naglabas ang mga ito ng kanilang investigative report.

Una nang sinabi ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, na hindi na bago ang inilabas ni Leviste na mga files at ang tinawag na allocables ng mga district representatives ay lumabas na sa investigative report kamakailan.

Facebook Comments