Dapat na magpasa muna ng batas ang Kongreso bago ipatupad ang mandatory COVID-19 vaccination sa bansa.
Tugon ito ng Commission on Human Rights (CHR) makaraang magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na gagamit ng police power para obligahin ang publiko na magpabakuna.
Sabi ni CHR Commissioner Karen Gomez-Dumpit, dapat na ikonsidera ng pamahalaan ang iba’t ibang sitwasyon at kondisyon ng mga tao kaya hindi sila nagpapabakuna.
Kabilang aniya rito ang limitadong supply ng COVID-19 vaccines, bakunang angkop sa kondisyon o sakit ng isang indibidwal at religious belief.
“Hindi naman po natin pwedeng gawin na i-mandato lahat without any question or whatever. And the first and foremost thing that we must do is to be able to discuss it and to be able to put it into a law that strictly prescribe sa necessity of it because that is what police power is all about ‘no? Hindi pwedeng sasabihin na lang na ganyan, walang guidance so pa’no i-implement yun?” ani Dumpit sa interview ng RMN Manila.
“So, hindi po pwede na blanket kasi magkakaroon po talaga ng isyu dahil iba-iba po ang sitwasyon at kondisyon ng mga tao,” dagdag niya.
Dagdag pa ni Dumpit, sa halip na gumamit ng coercive power, mainam na palakasin na lamang ang information drive tungkol sa pagbabakuna.
“Kailangan din po siguro, sa halip na coercive power, maybe we can use persuasive power. We can incentivise para magkaroon po ng tamang pananaw at kaisipan ang ating mga mamamayan to be able to get their vaccine,” saad pa niya.