Manila, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema ang legalidad ng pinaiiral na martial law sa Mindanao.
Binasura ng Supreme Court ang motion for reconsiderations sa petisyon nina Congressmen Edcel Lagman, Tomasito Villarin at Teddy Brawner Baguilat Jr. sa botong 10-3-1.
Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, walang merito ang petisyon ng mga mambabatas.
Bukod dito, moot and academic na anila ang apela ng mga petitioner dahil nagpaso na noong July 22, 2017 ang Proclamation No. 216 na pinagbatayan ng pinairal na animnapung araw na Martial Law sa Mindanao.
Ang batas militar ay pinalawig ng Kongreso hanggang December 31, 2017.
Kasama sa sampung bumoto pabor sa pagbasura ng Motion for Reconsideration ay sina Justices Presbitero Velasco, Teresita Leonardo-De Castro, Lucas Bersamin, Mariano Del Castillo, Estela Perlas-Bernabe, Samuel Martires, Noel Tijam, Andres Reyes Jr, at Alexander Gesmundo.
Bumoto naman para pagbigyan ang ilang bahagi ng apela ng mga petitioner sina: Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justice Benjamin Caguioa.
Ang nag-iisa namang pumabor sa mosyon ay si Associate Justice Marvic Leonen.
Naniniwala ang mga mahistrado na na nanganganib ang seguridad ng mga taga-Mindanao kaya kinatigan nila ang deklarasyon ng batas militar at suspensyon ng privilege of the writ of habeas corpus sa rehiyon.
Ang martial law sa Mindanao ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte noong May 23, 2017 nang sakupin ng Maute Group ang Marawi City.