Batas na amyenda sa Public Service Act, pinangangambahang maging banta sa cybersecurity ng bansa

Ibinabala ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na posibleng maging banta sa cybersecurity ng bansa ang batas na nagaamyenda sa Public Service Act (PSA).

Ayon kay Brosas, ang PSA amendments ay magsisilbing “greenlight” o magbibigay pahintulot para sa buong pag-take over ng China Telecom sa third telecommunications firm ng bansa o ang DITO Telecommunity.

Nababahala ang kongresista sa cybersecurity threats na maaaring idulot ng pagpayag sa 100% foreign equity sa telecommunications sector.


Ang mga kompanya aniya na pagmamay-ari ng Chinese government tulad ng China Telecom na maaaring pumasok sa bansa ay may mandato sa ilalim ng batas ng China na ibigay ang lahat ng impormasyon sa Chinese Communist Party.

Dahil dito, umapela ang mambabatas sa publiko na maging alerto sa posibleng adjustments sa ownership structure ng mga malalaking telcos sa bansa lalo na pagdating sa 2022 elections kung saan ang resulta ay ipapasa “electronically” sa pamamagitan ng mga nasabing kompanya.

Duda rin ang kongresista sa layunin ng PSA amendments na bababa ang singil sa mga public services dahil dadami ang mga nagaalok ng serbisyo sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan.

Aniya pa, kung pagbabasehan ang karanasan ng bansa sa foreign equity ay mas lalo lamang nagmahal ang singil ng mga kompanyang nag-aalok ng pampublikong serbisyo.

Facebook Comments