Naghihintay lamang ang Commission on Elections (Comelec) sakaling magkaroon ng batas na layong baguhin ang mga distrito sa Makati City at Taguig.
Ito ay kasunod ng desisyon ng Comelec na walang ibobotong kongresista ang mga residente ng sampung barangay sa Taguig na dating sakop ng Makati sa darating na 2025 midterm elections.
Paliwanag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi pa alam ng poll body hanggang sa kasalukuyan kung saang distrito kabilang ang mga apektadong residente.
Wala aniyang kapangyarihan ang Comelec na tukuyin ito at tanging ang Kongreso lamang ay may kakayanang magsabi kung saang distrito ilalagay ang mga barangay.
Sa kabila nito, maaari pa rin aniyang bumoto ang mga taga-EMBO barangay para sa national, mayor, vice mayor at mga konsehal.
Samantala, maaari pa rin aniyang bumoto ang tatlong natitirang barangay sa Ikalawang distrito ng Makati kahit na nabawasan sila ng mga botante.
Noong nakaraang taon nang maglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagsasabing ang Taguig ang nakakasakop sa Fort Bonifacio at EMBO barangays na dating bahagi ng Lungsod ng Makati.