
Nagpahayag ng buong suporta ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa panukalang batas sa Senado na naglalayong ipatigil ang tinatawag na “terror grooming” at pagrerecruit ng mga estudyante sa mga grupong komunista.
Sa pahayag ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr., sinabi niyang ang Senate Bill 1366 o Terror Grooming and Radicalization Prevention Act ay makatutulong para maprotektahan ang mga Pilipino laban sa mga bitag ng radikalisasyon, bigyang-lakas ang mga komunidad na labanan ang manipulasyon, at mailigtas ang buhay sa pamamagitan ng pagpigil sa pagrerecruit ng mga terorista.
Ani Torres, pangunahing target pa rin ng mga rebelde ang mga kabataang Pilipino, katutubong pamayanan, mga magsasaka, at pamilyang nasa laylayan ng lipunan na kanilang sinasamantala gamit ang kahirapan, galit, at kawalan ng hustisya.
Giit ni Torres ang nasabing panukala ay magsasara ng pintuan laban sa mga “terrorist recruiters.”









