Pinasalamatan ni Department of National Defense (DND) Officer in Charge Sr. Undersecretary Carlito Galvez Jr., si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil sa paglagda ng RA No. 11939 na nag-aamyenda sa batas na nagtatakda sa fixed-term ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), o RA 11709.
Ayon kay Galvez, ikinalulugod nila ang suporta at konsiderasyon ng pangulo sa kapakanan at kabutihan ng AFP.
Ani Galvez, umaasa silang masosolusyunan ang mga problemang kinaharap ng AFP, partikular na ang demoralisasyon.
Sa ngayon aniya ay bumuo na ng technical working group ang DND para ilatag ang mga Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas.
Sang-ayon sa batas, gagawin na lamang dalawang taon mula sa kasalukuyang tatlong taon ang termino ng major service commanders.
Sakop nito ang commanding generals ng Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Air Force gayundin ng Superintendent ng Philippine Military Academy.
Nakapaloob din sa amendment ang pagpapalawig pa ng isang taon ang serbisyo ng mga may ranggong 2nd Lt. o ensign hanggang LtGen. o Vice Admiral.
Mulas sa edad na 56, magiging edad 57 na ang retirement age ng mga nabanggit na ranggo.